Kinidnap na mag-asawa, natagpuang patay

MALAMIG na bangkay na nang matagpuan sa San Fernando, Cebu nitong Biyernes ang mag-asawang pinaghihinalaang dinukot sa bayan ng Minglanilla noong Miyerkules, ayon sa pulisya.


Natagpuan ang katawan ng mag-asawang Gavino at Arlene Sanchez, 49 at 47 anyos, sa loob ng kanilang sasakyan sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Tananas.
Kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang mga biktima.


Ayon sa pulisya, nagsuspetsa ang mga residente dahil mahigit isang araw na umano nilang nakikita na nakaparada sa lugar ang Strada pick-up truck na umaandar ang makina.


Bago ito, nakarinig ng mga putok ng baril ang mga residente noong Huwebes ng madaling araw o ilang oras bago nakita ang mga bangkay.


Napag-alaman ng pulisya na huling nakitang buhay si Gavino alas-10 ng gabi noong Miyerkules nang umuwi ito ng bahay para kumuha umano ng pera.


Hindi naman nito sinabi kung saan pupunta pero ipinaalam sa anak na nasa labas lang at naghihintay si Arlene.


Naniniwala ang mga imbestigador na biktima ng robbery ang mag-asawa.


Iniimbestigahan pa ang insidente.