Football player, tiyo todas sa bomba ng NPA


NASAWI ang football player at kanyang tiyuhin habang sugatan ang anak ng huli nang masabugan ng bomba na itinanim umano ng mga miyembro ng New People’s Army sa Masbate City.


Kinilala ni Maj. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol Regional Police, ang mga namatay na sina Kieth Absalon, 21, na naglalaro para sa Malaya Football Club at Far Eastern University football team, at tiyuhin niyang si Nolven Absalon, 40.


Nagtamo rin ng mga tama ng shrapnel sa katawan ang 16-anyos na anak ni Nolven at kasalukuyang ginagamot sa Masbate Provincial Hospital, ani Calubaquib.


Napag-alaman na sakay ng bisikleta ang tatlo sa Purok 4, Brgy. Anas nang madaanan nila ang bomba alas-6:45 ng umaga Linggo.


“This might be a mere accident, they ran into the IED recklessly planted (by the rebels).Their target are probably the uniformed personnel,” ani Calubaquib. “No other group would do this but the NPA.”


Ilang oras matapos ang insidente ay nakaengkwentro ng mga pulis at sundalo ang ilang rebelde sa Brgy. Mapiña.


Narekober ng mga otoridad sa pinangyarihan ang ilang IEDs at mga bahagi ng bomba.