LIMA katao na ang nasawi sa diarrhea outbreak sa Monkayo, Davao de Oro, kung saan halos buong barangay ang may sakit.
Ayon kay Mayor Ramil Gentugaya, umabot na sa mahigit 200 ang tinamaan ng diarrhea.
“As of last (Friday) night, may 212 cases. Five ang patay. Isa sa mga nasawi ay isang three years old. (May edad) 38, 41, 88, 78 and three years old na namatay kahapon ng umaga,” aniya.
Sinabi ni Gentugaya na sa 16 na purok sa Brgy. Pasiab, siyam ang mayroong kaso ng diarrhea.
Napag-alaman na noong Miyerkules nagsimulang makaranas ng pagdudumi ang mga residente.
Inabot pa umano ng ilang araw bago magpagamot ang karamihan kaya dehydrated na ang mga ito.
Ayon sa inisyal na pagsisiyasat, nakainom umano ang mga residente ng kontaminadong tubig.
Ang tubig at ibinebenta ng isang pribadong indibidwal sa barangay. Hindi naman pinangalanan ang may-ari.
Nagpadala na ng mga tangke ng tubig sa nasabing barangay ang lokal na pamahalaan para may magamit ang mga residente.
Sinabi ng alkalde na marami na rin ang gumaling sa sakit habang ang iba ay inoobserbahan pa sa health center.