Dalagita nanguha ng sea urchin nilapa ng 2 aso

SUGATAN ang dalagita nang sakmalin ng dalawang rottweiler sa dalampasigan sa Oslob, Cebu, iniulat ng pulisya.


Isinugod sa ospital ang biktimang si Jenny Rose Gomilao, 16, na tadtad ng sugat sa katawan.


Nangunguha ng sea urchin si Gomilao sa tabing-dagat Biyernes ng umaga nang atakihin siya ng dalawang aso.


Tinangka pa niyang pumunta sa malalim na bahagi ng dagat pero sinundan siya ng mga hayop at pinagkakagat.


Isa sa mga saksi ang tumulong sa biktima para mailayo sa mga aso.


Ayon sa isa sa mga kapitbahay ng dalagita, hindi makontrol ang mga aso at tila galit na galit na nilapa ang biktima.


Sinabi ng pamilya ni Gomilao na plano nilang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in physical injuries ang may-ari ng mga aso na si Lourdes Kapfer.


Reklamo ng pamilya, kung hindi pa nila kinontak si Kapfer ay hindi pa umano ito magbibigay ng P4,000 na pambili ng gamot.


Depensa naman ni Kapfer, inasikaso nila ang pagpapagamot sa biktima.


Inirason niya na umiihi ang kanyang mga aso sa kanilang bakuran nang marinig ang ingay ng mga nangunguha ng sea urchin.


Nagawang makalabas ng bakuran ang mga aso kaya inatake si Gomilao. –A. Mae Rodriguez