Bandera binalahura, kelot kulong

BAGSAK sa kulungan ang isang lalaki na pinakialaman at ibinaligtad ang watawat ng Pilipinas sa NAIA Terminal 2 kamakailan.


Kinasuhan ng paglabag sa RA 8491 at unjust vexation ang suspek na si Jay-ar Beril ng Jose Dalman, Zamboanga del Norte.


Ayon sa ulat, naispatan ng airport police na si Ismael Rivera si Beril na ibinababa ang bandera alas-8 ng umaga nitong Linggo.


Noong una ay hindi pinansin ni Rivera si Beril sa pag-aakalang kawani ito ng airport.


Pero laking-gulat ng pulis nang makitang itinataas ni Beril ang bandila na nasa ibabaw na ang kulay pula.


Nilapitan ni Rivera ang suspek pero tumakbo ito.


Makaraan ang ilang minutong habulan ay nasukol ang suspek, na itinanggi na may ginawa siyang mali.


Ang tamang posisyon ng watawat kapag ito nakawagayway ay nasa itaas ang bughaw na kulay, pero sa panahon ng digmaan ay pula ang nasa ibabaw.


Kung nakasabit naman, ang bughaw ang nasa kanan, pero sa oras ng digmaan, pula ang nasa kanan.