6 kabataan nalunod

ANIM na kabataan ang nalunod sa magkahiwalay na insidente sa Oriental Mindoro at Pasig City nitong Sabado.


Apat sa mga biktima ay nalunod habang nagpipiknik kasama ang mga pinsan at kaibigan sa public beach sa Brgy. Zone 1 sa Pinamalayan, Oriental Mindoro.


Kabilang sa mga nasawi ang magkapatid na Madelyn, 18, at Lougi delos Santos, 13; Jake Maranan, 17, mga residente ng Brgy. Marfrancisco; at Anna Janina Lanot, 11, ng Brgy. Sta. Rita.


Nagsu-swimming ang mga biktima at lima nilang mga kasama alas-5 ng hapon nang hampasin sila ng malalakas na alon at dalhin sa malalim na parte ng dagat.


Nakalangoy patungo sa pampang ang mga kasama ng mga biktima pero sila ay sinawimpalad na nalunod.


Agad namang nakuha ang katawan ng mga biktima pero pawa silang dead on arrival sa ospital.


Samantala, nalunod naman ang dalawa pang bata sa Pasig River sa Brgy. Santolan, Pasig nito ring Sabado.


Huling nakitang naliligo ang mga paslit sa gilid ng ilog bago sila nalunod, ayon sa pulisya.


Agad na narekober ang bangkay ng isa sa mga biktima habang ngayong araw natagpuan ang lumulutang na katawan ng kanyang kasama.