5 miyembro ng pamilya minasaker ng 16-anyos

PATAY ang limang miyembro ng pamilya habang sugatan ang isa pa matapos pagsasaksakin ng 16-anyos na kawatan na pumasok sa kanilang bahay sa Baleno, Masbate, nitong Sabado ng gabi, ayon sa pulisya.


Kinilala ang mga biktima na sina Jesus Adigue,70; Adela Cortes, 67; Jennifer Adigue, 40; Joyce Albis, 17; at Kristelle Albis, 14.


Sugatan naman ang isa pang miyembro ng pamilya na nakilalang si Angel Albis, 13.
Nangyari ang insidente alas-11 ng gabi habang natutulog ang mga biktima sa kanilang bahay sa Brgy. Tinapian.


Base sa inisyal na imbestigasyon, pumasok ang 16-anyos na suspek sa bahay at kinuha ang cellphone ni Joyce.


Nagising si Kristelle na naging dahilan para magulat ang binatilyo at pinagsasaksak ang mga biktima.


Nahuli naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek. –WC