UMABOT sa 48 na volcanic earthquake ang naitala sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan.
Samantala, tatlong phreatomagmatic eruptions din ang naitala simula Biyernes ng umaga.
Pumalo naman sa 10,254 tonnes per day ang average na sulfur dioxide emission na ibinubuga ng bulkan sa nakalipas na dalawang araw.
Ipinaalala ng Phivolcs na bawal pa rin ang pagpasok sa mga high risk barangays sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel sa Batangas.
Ipinagbabawal din ang pangingisda sa lawa.
Kaugnay nito, humingi na ng tulong sa national government ang lokal na pamahalaan ng Agoncillo sa gitna ng paglikas ng mga residente nito na nakatira sa pitong-kilometrong danger zone.
Ayon kay Mayor Daniel Reyes, mayroong 30 pamilya mula sa mga barangay ng Banyaga at Bilibinwang na nanunuluyan sa evacuation center habang marami ang nananatili pa sa kanilang mga tahanan.
“Yun ang problema, kung ilikas lahat itong 5,000 halos na population doon sa dalawang barangay wala naman po kaming sapat na pondo para gamitin sa mga ito. Wala rin pong sapat na pasilidad ang bayan na kayang mag-accommodate sa lahat po na ‘yun,” ani Reyes.
“Mahirap pong magpakain ng 2,000 to 3,000 tao sa isang araw,” dagdag niya.
Umapela naman siya sa mga kababayan na tumatangging lumikas.
“Sa mga kababayan ko sa Barangay Banyaga at Bilibinwang, may abiso po sa atin ang pamahalaan na tayo po ay lumikas, kung maaari po gawan po natin ng paraan. Kami naman po ay handa na ilikas kayo,” sabi ni Reyes.