4 suspek na pumatay sa doktor sa CDO arestado

APAT na lalaki ang inaresto ng pulisya matapos iturong sila ang nasa likod sa pag-ambush at pagpatay sa doktor na si Raul Andutan nitong Huwebes sa Cagayan de Oro.

Kinilala ang mga inaresto na sina Joel Nacua, 37; Jomar Adlao, 30; Marjun Cabug, 39; Felipe Entira, 63, pawang mga residente ng Bukidnon, ayon sa report ng Northern Mindanao regional office.

Sila ang itinuturong pumatay diumano kay Andutan, medical director ng Xavier University-Maria Reyna Hospital Huwebes ng umaga.

Sakay ng kanyang kotse si Andutan nang tambangan ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo sa barangay Nazareth. Isinugod siya sa ospital kung saan siya nagtatrabaho ngunit hindi na naisalba.

Ayon sa pulisya, kinilala ang mga suspek ng mga testigo at sa pamamagitan ng CCTV footage, at inaresto alas-3 ng madaling araw sa barangay San Alonzo, Balingoan, Misamis Oriental.