TATLONG bayan sa lalawigan ng Iloilo ang duda na apektado na sila ng African swine fever (ASF) matapos maiulat ang hindi mapaliwanag na pagkamatay ng mahigit na 10 baboy sa kanilang mga lugar.
Hindi naman pinangalanan ni Provincial Veterinarian Dr. Darel Tabuada ang mga sinasabing may suspected case ng ASF.
Anya, hinihintay pa nila ang resulta ng mga test na isinagawa sa mga apektadong baboy.
“Right now, we are waiting for the result. They are in our pink zone, the adjacent municipalities of infected areas in Oton and San Miguel,” paliwanag ni Tabuada.
Ang pink zones ay siyang nagsisilbing buffer kung saan walang naitatalang kaso ng ASF ngunit malapit sa mga lugar na infected ng virus.