11-anyos na babae ‘nakipagtanan’ sa 28-gulang na construction worker

NASAGIP ng mga awtoridad ang 11-anyos na batang babae na diumano’y sumama sa 28-anyos na construction worker sa Lucena City, Quezon, na kanyang nakilala sa online game.

Sa report ng GMA News, inaresto ang lalaki na si Rodolfo Maglaque, 28, at ang ina nito na si Aniseta Dacer, 58, matapos ang isinagawang rescue operation sa bata.

Kwento ni Dacer, hindi nila alam na menor-de-edad ang dalagita.

Ayon sa pulisya, nagkilala ang biktima at si Maglaque sa chat ng isang mobile game.

Doon umano niligawan ng suspek ang biktima at kinumbinsi na pumunta sa Lucena para doon sila magkita.

Kwento ng suspek, bumiyahe ang bata mula Malabon hanggang Quezon, at sinundo niya ito sa bus terminal sa Lucena.

“Gusto niya raw po lumayo sa magulang niya. Pwede naman po siya sa amin muna. Hindi ko po siya agad naisoli sa barangay. Yun po ang pagkakamali ko,” pahayag ni Maglaque sa GMA News.

Ayon naman sa ina ng biktima, umalis ang kanyang anak noong Abril 12, at hindi na makontak sa kanyang cellphone.

Inamin ng suspek na meron umanong nangyaring sekswal sa pagitan nila at ng bata.

“Ginusto po naming yun parehas,” giit naman nito.

Nahaharap sa kasong statutory rape si Maglaque.