1 patay, 48 naospital sa nilupak

ISA ang nasawi habang 48 iba pa ang naospital makaraang kumain ng nilupak sa birthday party sa Magarao, Camarines Sur kamakailan.

Hindi na umabot nang buhay sa Bicol Medical Center ang biktima, 35, ng Bgy. Carangcang, dahil sa matinding mga sintomas na naranasan nito.

“Ang naramdaman niyang sintomas ay sakit ng tiyan, LBM, lagnat, sakit ng ulo, nag-chill pa raw ito. Siya lang ang nag-chill sa lahat. ‘Yung sakit ng tiyan niya, ayon sa magulang, parang nilalagari ang pakiramdam. Marami raw kasi itong nakain kasi paborito raw ang nilupak,” ani barangay chair Nenita Aspe.

Bumuti na ang lagay ng karamihan sa mga na-food poison at nakauwi na ng bahay.

Ayon sa ulat, nakaranas ng sintomas ng food poisoning ang mga biktima makaraang dumalo sa birthday party ng kamag-anak sa Brgy. Carangcang.

Hindi pa masiguro ng mga otoridad kung sa anong pagkain nalason ang magkakamag-anak pero sinesentruhan ng pagsusuri ang nilupak.

Kaugnay nito, iginiit ng pamilya ng naghanda na 
pinakuluan nang mabuti ang mga kamoteng-kahoy, ang main ingredient ng nilupak, para maalis ang nakalalasong kemikal nito.

“Sabi po nung nagluto, dahil nakausap ko doon sa infirmary na-aconfine, lutong-luto naman daw ‘yon kaya hindi niya alam kung bakit ganun ang nangyari,” dagdag ni Aspe.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pangyayari.