Mga karapatan ng adopted child; hanggang saan ang obligasyon ng biological father

Dear Attorney Stella,

Mayroon po akong dalawang anak na babae – yung panganay po ay anak ko sa pagkadalaga at ang bunso ko naman ay anak naming mag-asawa. Inisip po naming i-adopt ang aking panganay na anak pero hindi po namin ito itinuloy sapagkat prinoproseso ng tatay niya ang petition niya sa Amerika. Ano po ba ang magiging epekto ng adoption?

Mai from QC



Dear Mai from QC,

Klaro sa Republic Act No. 8552 o ang Domestic Adoption Law na maaaring ampunin ng mag-asawa ang ilehitimong anak ng isa sa kanila if the other spouse gives his/her consent to the adoption. Sa pamamagitan ng pag-ampon, ang bata ay magiging legitimate child ng mag-asawa.

Upang makapag-file ng adoption, marapat na makuha ang pahintulot ng biological parents ng bata, in your case, ang pahintulot ng ama ng iyong anak sa pagkadalaga. Bukod dito ay kinakailangan din ang pahintulot ng inyong lehitimong anak na may edad 10 pataas.

Kinakailangan ang consent ng biological father dahil isa sa mga epekto ng adoption ay ang severance of all legal ties o ang pagkaputol ng lahat ng legal na koneksyon ng bata sa kanyang biological parent.

Sa pamamagitan ng pag-ampon ninyong mag-asawa sa iyong anak, ang kanyang ama ay mawawalan na ng parental authority sa kanya. As a consequence, hindi na siya maaaring ibilang ng kanyang biological father na “immediate relative” under US Law.

Tandaan na sa oras na maging adopted child ninyong mag-asawa ang iyong anak, she will have the same rights as your legitimate natural child. Ibig sabihin ay magiging patas ang kanilang successional rights in legal and intestate succession.

Sana ay makatulong ito sa inyong mag-asawa at sa iyong anak at kanyang magiging future.

Atty. Stella


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]