Bawal ang bastos!

ISA ka rin ba sa nakararanas ng masipulan, matawag ng kung ano-ano sa kalye? O mabastos habang nasa kalsada o sa loob ng jeep o bus, at sa kung ano pang mga pampublikong lugar.

Alam mo bang may proteksyon ka na laban sa mga ganitong uri ng pambabatos habang nasa pampublikong lugar ka.

Tunghayan natin ang kaso ni Lheann na na-catcall sa kanilang lugar.


Dear Attorney Stella:

May mga pagkakataon po kasi na naiilang na akong dumaan sa mga lugar na may nagkukumpulang mga lalaki. Lalo na sa tuwing napapadaan ako sa construction site sa tapat ng bahay namin. Parati kasi akong nasisigawan ng “hi, ganda”, “number mo nga miss, pahingi”, “chat tayo mamaya…” at kung ano-ano pa.

Ano po ba ang maaring gawin ko patungkol dito. Nakakabastos po talaga ito. At nakakatakot.

Salamat po, attorney.

Lheann


Dear Lhearnn,

Layunin ng Republic Act (R.A.) No. 11313 o “Safe Spaces Act” o “Bawal Bastos Law” na patawan ng parusa ang sinumang mag-“catcall” sa mga pampublikong lugar tulad ng kalye, pampasaherong sasakyan at maging sa online space.

Ikaw ay biktima ng catcalling sa tuwing may mga hindi kanais-nais na salita o pagbati na pinaririnig sa iyo anuman ang dahilan o motive ng taong gumagawa nito. Kasama na rin dito ang pagsipol at ang paggamit ng mga salita based on the victim’s gender.

Ang sinumang mapapatunayang nagkasala sa krimen na Gender-Based Streets and Public Spaces Sexual Harassment ay maaaring mapatawan ng parusa naaayon sa batas.

Tandaan na karapatan mo at ng bawat mamamayan na maging ligtas mula sa pambabastos lalung-lalo na sa mga pampublikong lugar at maging sa online space.

Kaya wag kang mag-atubiling magsumbong sa awtoridad sakaling makaranas muli ng pambabastos.

Atty. Stella



May nais ka bang isangguni kay Atty. Stella? Mangyaring mag-PM sa @PinoyPubliko sa Facebook.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]