MALAKING isyu sa mga Pinoy ang utang. Sa social media, maraming hugot tungkol sa pagpapautang at sa mga nangungutang na ayaw magbayad ng kanilang obligasyon.
Maraming pamilya, magkakaibigan ang nasisira ang relasyon dahil sa utang. Marami rin ang nauuwi sa demandahan.
Pero bukod sa mangungutang, ang pagiging guarantor din ay isang malaking obligasyon.
Tara, at alamin ang kani-kanilang obligasyon bago pa kayo makapag-isip umutang o magpa-utang.
Dear Atty. Stella,
Ginawa po akong guarantor ng aking kapitbahay sa inutang niyang pera mula sa isang finance establishment. Kaya naman nang maningil sila sa akin, binayaran ko ang balanse nitong P15,000.00 at tinanggap naman ito ng nagpautang.
Pero sabi ng kapitbahay ko, eh, hindi daw niya papalitan ang ipinambayad ko dahil hindi naman siya pumayag na bayaran ko ang balanse ng kanyang utang.
Meron ba akong maaaring gawin dito?
Mike ng Ilocos Norte
Dear Mike,
Sa pamamagitan ng pagbabayad sa creditor, maaaring ma-extinguish ang obligasyon ng isang nangutang. Bukod sa debtor o ang nangutang, maaari ring bayaran ng kanyang “authorized representatives” at guarantors ang buo o natitirang obligasyon nito.
Sa iyong sitwasyon, Mike, hindi kinakailangan ang consent o pahintulot ng iyong kapitbahay upang magkaroon ng force and effect ang iyong ibinayad sa creditor sapagkat ikaw ay kanyang guarantor.
Ibig sabihin ay mayroon kang interes sa katuparan ng kanyang obligasyon. Nakasaad rin sa batas na bilang guarantor, ikaw ay may karapatang hingin ang full reimbursement ng iyong ibinayad mula sa debtor.
Dahil P15,000.00 ang value ng iyong sisingilin, maaari kang mag-file ng habla ng pagsingil o ang tinatawag na “Statement of Claim” sa Municipal Trial Court ng iyong lugar. Naaayon ito sa Revised Rules of Procedure for Small Claims Cases.
Kalakip ng iyong Statement of Claim ay ang dokumento kung saan nakasaad na ikaw ay guarantor ng iyong kapitbahay, pati na rin ang ebidensyang magpapatunay na binayaran mo ang balanse ng kanyang pagkakautang. Maaari mo ring isama sa pag-file and affidavit ng iyong mga witnesses.
Tandaan na ang paggarantiya sa utang ng isang tao ay hindi basta-basta. Hindi lamang ito for purposes of formality. Sa oras na ikaw ay pumirma bilang guarantor ng isang debtor, ikaw ay mayroon na ring responsibilidad sa creditor.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]