Villafuerte itinangging nasa Siargao habang CamSur sinasalanta ng bagyo

ITINANGGI ni Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte na nagpapasarap sa Siargao ang anak na si Camarines Sur Luigi Villafuerte kasama ang girlfriend na si Yassi Pressman habang nakalubog sa baha dahil sa bagyong Kristine ang kanilang probinsya.

Sa Facebook post, klinaro ni Rep. Villafuerte na bago pa dumating ang bagyo ay nakabalik na siya at ang anak sa Camarines Sur.

“Yan picture na kinakalat nila ngayon daw o kahapon nasa Siargao kami kasama ang mga SK sa iba’t ibang bayan ng CamSur. Yan photo in Siargao posted kahapon or today was taken Saturday at lahat ng SK nakabalik na ng CamSur Monday bago pa nag bagyo,” ayon sa mambabatas.

Dagdag niya, sadyang inilabas ng mga kalaban nila sa politika ang mga photos nina Luigi at Yassi noong kasagsagan ng bagyo para sirain ang kanilang pamilya.

“Lumang style na yan gawa nyo mga ul*l , hinde nyo kaya lokohin mga tao! Ilan election nyo na yan ginagawa para siraaan kami. Alam ng tao ang tutoo, mas alam ng tao ang fake news!” dagdag ng kongresista.

Ayon pa sa kanya, hindi tumitigil sa relief at rescue operations ang provincial government.

“Ako mismo at aming pamilya nag ambag kami mismo bumili ng mga rubber boats. Nag tatawag kami sa natl agencies and department secretaries, international agencies, mga kaibigan na senator para humingi ng tulong,” dagdag niya.

“Kung pwede lang every 5 minutes mag post kami updates dahil tuloy tuloy rescue at relief operations namin. Pero mas gusto namin mas maghanap ng solusyon keysa mag post pero ginawa ko to para mapatunayan na mga sinungaling talaga at mga desperado na aming mga kalaban sa pulitika,” sambit pa ni Rep. Villafuerte.