HIMAS-rehas ang taxi driver na nangmolestiya umano ng isang transwoman sa loob mismo ng pinapasada niyang sasakyan sa Lahug, Cebu City ngayong araw.
Kuwento ng biktima, pauwi siya mula sa trabaho nang sakyan niya ang taxi ng suspek.
Hindi pa man sila nakalalayo ay nagpahiwatig na umano ang suspek sa kanyang pasahero.
Nagulat na lamang ang biktima nang iparada ng suspek ang sasakyan sa liblib na bahagi ng Sitio Sudlon.
Wala na umanong nagawa ang transwoman nang puwersahin siya ng suspek.
Inihatid naman ng driver ang biktima sa destinasyon nito kaya nakahingi ng tulong ang huli sa kanyang mga kapitbahay.
Sa presinto, itinanggi ng suspek ang krimen at sinabing ang transwoman ang nagpakita ng motibo nang hawakan nito ang kanyang hita.
Dagdag niya na ang biktima ang nagturo sa kanya kung saan ipa-park ang taxi.
Samantala, inilahad ng ama ng biktima na na-trauma ang anak sa dinanas sa kamay ng suspek.