Rider todas sa freak accident

NASAWI ang isang lalaki makaraang mabagsakan ng puno habang sakay ng motorsiklo sa Labo, Camarines Norte madaling araw ng Sabado, ayon sa pulisya.

Tinatahak ni Erlito Belda, residente ng Brgy. Bulhao sa naturang bayan, ang Maharlika Highway sa Sitio Potot, Brgy. Daguit pasado alas-12 ng umaga.

Eksakto namang nabuwal ang puno pagdaan ni Belda at nabagsakan ng malaking sanga ang ulo nito.

Nawasak ang suot na helmet ng biktima. Naitakbo pa si Belda sa pagamutan subalit hindi na naisalba ng mga doktor ang kanyang buhay.

Ayon sa mga residente, matagal nang nabubulok na ang puno na may taas na 40 talampakan.