Pandi, Bulacan mayor dakip sa rape, 2 iba pa dakma rin

INARESTO ang alkalde ng Pandi, Bulacan na si Enrico Roque at dalawang iba pa nitong Martes dahil sa kasong rape na isinampa sa kanila ng isang 17-anyos na babae noong 2019.

Sa kalatas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Miyerkules, sinabi nito na inaresto si Roque, Konsehal Jonjon Roxas isa pang lalaki na hindi tinukoy ang pangalan, sa Amana Waterpark resort na pag-aari ng alkalde sa bayan ng Pandi.

Kasalukuyang nasa kostodiya ng Northern Police District ang tatlo.

Inaresto ang tatlong suspek base sa arrest warrant na inisyu noong Nob. 11, 2024 ni Presiding Judge Ma. Rowena Violaga Alejandria ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 121 para sa dalawang counts ng rape. Walang bail na inirekomenda.

Inakusahan ng biktima ang tatlong lalaki na diumano siya ay ni-rape noong Abril 6, 2019 sa bahay ng alkalde sa Bagong Silang, Caloocan City. Naghain siya ng reklamo apat na araw matapos ang insidente.

Magkapitbahay umano sila ng alkalde at inimbitahan siya nito para makipag-inuman sa nasabing araw, ayon sa kanyang salaysay.

Nalasing umano siya at ni-rape. Umamin ang biktima na pumayag siya sa imbitasyon sa bahay ng suspek dahil crush umano niya ito.

Itinanggi naman ni Roque ang akusasyon at sinabing politically motivated ang isinampang kaso sa kanya.