PAGCOR nagpatayo ng socio-civic center sa Luisiana; libo-libong residente makikinabang

PINASINAYAAN ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) noong Marso 21, ang isang socio-civic center sa Luisiana, Laguna, na inaasahang pakikinabangan ng mahigit 2,000 residente.

Matatagpuan sa Barangay San Isidro, ang Php50-milyong pasilidad na pinondohan ng PAGCOR ay maaari ring magamit ng 22 kalapit na barangay sa Luisiana, na kilala rin bilang “Little Baguio ng Laguna.”

Ang dalawang-palapag na gusali ay magsisilbing sentro ng komunidad at evacuation center tuwing may sakuna. Kabilang sa mga pasilidad nito ang mga common restroom sa bawat palapag, malawak na multi-purpose area, dining halls, kusina, first-aid room, storage spaces, at breastfeeding room.

Ayon kay Luisiana Mayor Jomapher Uy Alvarez, malaking tulong ang bagong gusali sa pagpapaunlad ng bayan, lalo na sa nalalapit na rekonstruksiyon ng munisipyo.

“Lubos kaming nagpapasalamat sa napapanahong pagtatapos ng socio-civic center na ito dahil malaki ang maitutulong nito sa aming bayan,” aniya.

“Dahil sa katandaan ng aming municipal hall at ang nakatakdang rekonstruksiyon nito sa 2025, magsisilbing mahalagang extension ang pasilidad na ito para sa operasyon ng lokal na pamahalaan,” dagdag niya.

Samantala, binigyang-diin ni Sangguniang Barangay Member Joseph Pedron ang kahalagahan ng pasilidad sa kanilang komunidad.

“Malaking tulong sa amin ang socio-civic center na ito mula sa PAGCOR,” aniya. “Bukod sa maaaring gamitin bilang evacuation center tuwing may sakuna, may potensyal din itong makalikom ng pondo para sa barangay at munisipyo dahil sa matibay nitong istruktura.”

Hinikayat naman ni PAGCOR Assistant Vice President for Community Relations and Services Eric Balcos ang mga residente na alagaan ang bagong pasilidad upang mapakinabangan pa ng susunod na henerasyon.

“Nananawagan kami sa komunidad na pangalagaan ang pasilidad na ito na parang sariling tahanan upang patuloy itong mapakinabangan ng mga susunod pang residente ng Luisiana,” ani Balcos.