Nurse kinatay ng pasyente sa Bohol

PATAY ang isang babaeng nurse matapos siyang pagsasaksakin ng isang pasyente sa loob ng pribadong ospital sa Bohol nitong Huwebes.

Ayon sa inisyal na report, hindi umano nagustuhan ng 31-anyos na si Cardines Linguis, ng Barangay Magsaysay, bayan ng Sevilla ang ginawang pagtrato sa kanya ng 51-anyos na nurse.

Hatred umano ang motibo ng pagsaksak ng suspek, ayon kay Lt. Col. John Kareen Escober, hepe ng Tagbilaran City Police.

Ipinasok sa Bohol Doctors Hospital ang suspek kasama ang walong iba pa noong Martes dahil sa diarrhea.

Miyerkules ng gabi ay narinig umano ng suspek ang bulong ng biktima na hindi nito nagustuhan.

Nang palalabasin na umano si Linguis noong Huwebes, bigla na lang umanong dinakma nito ang isang gunting at ilang beses pinagsasaksak ang biktima.

Isang utility worker ang nagtangka umanong awatin ang suspek ngunit maging siya ay sinaksak ni Linguis.

Naaresto naman agad ang suspek.