NADISKUBRE na nakabaon malapit sa bahay ng kamag-anak sa Tayabas City, Quezon ang katawan ng isang Japanese national at ina niyang Pinay na unang naiulat na nawawala.
Ayon sa pulisya, natagpuan ang katawan nina Lorry Litada, 54, at anak niyang Japanese na si Mai Motegi, 26, mga residente ng Japan, alas-4:30 ng hapon Huwebes sa hukay sa Brgy. Isabang.
Isang metro lamang ang hukay mula sa bahay ng kamag-anak ni Litada. Sinabi ng pulisya na iniulat ng ate ni Litada nitong Marso 9 na nawawala ang kanyang kapatid at pamangkin noon pang Pebrero 21.
Huling nakita ang mag-ina sa Tayabas City kaya agad ininspeksyon ng mga alagad ng batas ang bahay ng kamag-anak.
Hindi naman mahagilap ang dalawang kamag-anak ng mga biktima na hinihinalang nasa likod ng pamamaslang.
Pera ang umano’y motibo sa pagpatay, ayon sa pulisya.
Hindi naman nila idinetalye kung kailan dumating ng bansa ang mag-ina at ang kanilang pakay sa pag-uwi ng Pilipinas. Pinaghahanap na ang dalawang persons of interest, dagdag ng mga pulis.