NAGPAHAYAG ng takot ang mga motoristang Biliranon sa pag-indayog ng tulay na nag-uugnay sa bayan ng Biliran at sa mainland Leyte.
Nakunan ng video ng netizen na si Alvs Kate ang hindi umano karaniwang pag-uga ng tulay, na tila umaalon, alas-3:23 ng hapon nitong Miyerkules, December 23.
Hindi pa masiguro ang dahilan ng pag-uga ng tulay na itinayo noong 1976 bagaman naobserbahan ng mga motorista na umindayog ito dahil sa lakas ng hangin at dami ng sasakyang dumadaan.
Sa kasalukuyan ay tanging mga light vehicles ang pinapayagang dumaan sa tulay.
Ayon sa ulat, ang mga pampasaherong bus ay nagbababa muna ng sakay bago padaanin.
Matatandaan na kinumpuni ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tulay noong 2022.