Motor sumpalpok sa sidewalk: mag-ate dedbol 

PATAY ang dalawang batang babae nang bumangga sa sidewalk ang motorsiklong sinasakyan nila kasama ang mga magulang sa Brgy. Sinsin, Cebu City nitong Miyerkules.

Nagtamo rin ng matinding pinsala sa katawan ang mga magulang ng mga nasawi at kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Kinilala ang mga sugatan na sina Germain at Cherrefe Pardillo. May edad 9 at 12 ang mga nasawi nilang anak. Napag-alaman na patungo sa lamay ng isang kamag-anak ang pamilya, mga residente ng Brgy. Bonbon, sa Talisay City nang maganap ang aksidente.

Habang binabaybay ang madilim na bahagi ng Brgy. Sinsin ay pumalya ang brake ng motorsiklo kaya dumire-diretso ito sa sidewalk. Tumalsik ang apat mula sa motorsiklo bago bumagsak sa kalsada.

Humampas ang ulo ng dalawang bata sa semento. Itinakbo ang mga biktima sa Cebu South Medical Center pero idineklarang dead on arrival ang mag-ate.