Mahihirap sa Puerto Princesa mas marami kaysa ibang bayan sa Palawan — DSWD

PUERTO PRINCESA CITY — Mas mataas ang bilang ng mahihirap na pamilya sa lungsod na ito kumpara sa ilang mga bayan sa Palawan, batay sa pinakahuling datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sa 2021 Poverty Map ng DSWD Listahanan 3, tinatayang nasa pagitan ng 3,547 hanggang 4,392 na kabahayang mahihirap (poor households) ang naitala sa Puerto Princesa —isa sa pinakamatataas sa lalawigan, sa kabila ng pagiging tanging lungsod nito.

Mas mababa ang bilang ng mga mahihirap na pamilya sa mga karatig-bayan gaya ng Aborlan at Narra, na may pagitan lang ng 1,010 hanggang 1,855 na poor households, habang nasa 2,702 hanggang 3,546 naman ang sa bayan ng Roxas.

Ang listahanan ay isang national database ng mga pamilyang mahihirap na ginagamit ng pamahalaan upang matukoy kung sino ang karapat-dapat tumanggap ng tulong mula sa social protection programs.

Bagamat sentro ng turismo at komersyo sa lalawigan, nananatiling hamon para sa Puerto Princesa ang pag-angat sa kabuuang antas ng kabuhayan ng mga residente. 

Ilan sa mga pangunahing industriya ng lungsod ay ang turismo, pangingisda, at agrikultura, subalit marami pa rin ang hindi nakikinabang sa pag-unlad bunsod ng kawalan ng oportunidad, mababang sahod, at kakulangan sa access sa serbisyong panlipunan.

Patuloy rin ang panawagan ng ilang grupo para sa mas inklusibong pag-unlad na hindi lamang nakasentro sa urban core, kundi maging sa mga barangay na nasa laylayan ng lungsod.