Mag-asawa ‘nilamon’ ng ‘death pool’

NASAWI ang mag-asawa nang malunod sa “death pool” sa Cabongaoan Beach sa Agno, Pangasinan nitong Sabado, ayon sa pulisya.

Kinilala ang mga biktima na sina Gonzalo Jr. at Emelita Maglalang, mga residente ng Antipolo City, Rizal.

Base sa imbestigasyon, nadulas si Emelita habang naglalakad sa rock formation sa tabi ng “death pool” sa Brgy. Baruan at tinangay ng malakas na alon.

Tumalon sa tubig si Gonzalo para isalba ang asawa pero maging siya ay nadala ng alon.

Wala nang buhay ang mga Maglalang nang marekober sila ng mga mangingisda.

Kaugnay nito, nalunod ang isang lalaki na bagong graduate sa Malogo River sa Brgy. Nanca, E.B. Magalona, Negros Occidental nitong Biyernes.

Napag-alaman na naligo si Renz Llorente, 24, sa ilog kasama ang mga kaibigan para ipagdiwang ang kanyang pagtatapos sa kolehiyo.

Sinabi ng pulisya na nasa tubig ang biktima nang rumagasa ang malakas na agos bunsod ng ulan.

Nasagip naman siya makaraan ang ilang minuto pero inideneklara itong dead-on-arrival sa Teresita Lopez Jalandoni Provincial Hospital sa Silay City.

Noong Miyerkules ay nagtapos si Llorente sa kursong Office Administration sa Silay Institute Inc.