PATAY ang babaeng senior citizen na taga-Borbon, Cebu habang sugatan ang kanyang mister nang barilin ng kapitbahay na naniniwala na kinulam nila ang anak nito.
Naitakbo pa sa ospital ang mga biktima, kapwa 64 at residente ng Brgy. Lugo, pero hindi na naisalba ng mga manggagamot ang buhay ng ginang.
Agad na naaresto ang suspek, isang Naldo, makaraang positibo itong kilalanin ng lalaking biktima. Todo-tanggi naman ang suspek na siya ang nasa likod ng pamamaril.
Ayon sa pagsisiyasat ng pulisya, naglalaba ang mag-asawa malapit sa balon sa kanilang lugar alas-4 ng umaga nitong Huwebes nang lapitan at paputukan sila ng suspek.
Nagtamo ng sugat sa dibdib ang ginang habang tinamaan sa binti ang mister.
Ayon sa ilang kapitbahay, pinaghihinalaan ng suspek na kinulam ng mga biktima ang anak niya dahil sumakit umano ang ulo ng bata makaraang dumaan sa harap ng bahay ng mag-asawa.
Nahaharap sa mga kasong murder at frustrated murder ang suspek.