DEAD on the spot ang 45-anyos na lalaki makaraang barilin ng teenager na kapitbahay nang mag-away sila sa kung sino ang kokolekta sa napanalunan sa online game na “Scatter.”
Naganap ang pagpatay ala-1 ng umaga nitong Linggo sa Sitio Paradise II, Brgy. Kinasang-an, Cebu City.
Ayon sa pulisya, nasawi si Renante Paradero, 45, residente ng Sitio Paradise matapos siyang barilin ng 18-anyos na si Michael Andrade.
Tumakas ang suspek makaraan ang insidente pero agad itong nasakote ng mga alagad ng batas.
Lumabas sa pagsisiyasat na nagtalo sina Paradero at Andrade kung sino ang kokolekta sa napanalunan nila sa Scatter, isang online slot machine game.
Sa kasagsagan ng away, naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima.
Hindi na idinetalye ng pulisya kung magkano ang napanalunan ng dalawa.