Kelot tinaga ng lasing na live-in partner sa away sa payslip

TINAGA sa mukha ang isang obrero ng kanyang lasing na live-in partner sa Brgy. Apas, Cebu City makaraan silang magtalo ukol sa payslip nito noong isang linggo.

Nagtungo sa presinto ang biktima nitong Sabado para iulat ang insidente bagaman bantulot pa itong sampahan ng reklamo ang suspek.

Ayon sa biktima, umuwi siya ng bahay Biyernes ng gabi at nadatnan na lasing ang kinakasama.

Ibinigay niya sa babae ang kanyang suweldo saka nagtungo sa banyo para maligo.

Maya-maya pa ay kinatok ng live-in partner ang pinto ng CR at hinihingi ang payslip dahil kulang umano ang binigay na pera ng lalaki.

Sinabihan niya ang asawa na ibibigay niya ang payslip paglabas ng banyo pero paglabas na paglabas niya ay sinalubong siya ng taga ng babae.

Agad na nagpadala sa pagamutan ang biktima nang maawat ang babae.

Aniya sa mga pulis, madalas siyang sinasaktan ng asawa lalo kapag nakakainom ito ng alak.

May limang anak ang mag-partner, ayon sa biktima.