Kelot tinaga ng ama sa leeg, todas

NASAWI ang 24-anyos na habal-habal driver makaraang tagain sa leeg ng kanyang ama  sa Naga City, Cebu.

Ayon sa pulisya, nagalit ang suspek, 45, construction worker at residente ng Brgy. Cogon, sa anak dahil sa pabalang-balang nitong sagot sa kanya.

Lumabas sa pagsisiyasat na noong Sabado nang hapon ay pinagsabihan ng ama ang anak pero imbes na sumunod ay sinagot-sagot siya nito.

Nagdilim ang paningin ng suspek, kumuha ng itak at tinaga sa leeg ang biktima.

Bumalik lamang sa wisyo ang suspek nang duguang bumagsak sa sahig ang anak.

Nasawi ang biktima habang itinatakbo sa ospital.

Tumakas ang suspek pero agad din itong nasakote ng mga alagad ng batas. Nahaharap siya sa kasong parricide.