Kelot pinugutan ng biyenan, bayaw sa away-pera

DEAD-on-the-spot ang 29-anyos na lalaki na salitang tinaga ng ama at kapatid ng kanyang live-in partner sa Santa Josefa, Agusan del Sur.

Nagtamo ng mga sugat sa leeg at katawan ang biktimang si Joel Morales na nagresulta sa agaran niyang pagkamatay.

Nasaksihan mismo ng kapatid ni Morales ang ginawang pagpatay sa biktima ng mag-amang Danilo at Arnel Dorado na nag-ugat umano sa away sa pera.

Ani Janice, isang guro, bago ang insidente ay kinumpronta ni Morales ang live-in partner na si Sherlyn Dorado ukol nawawalang pera ng biktima.

Napag-alaman na gagamitin ni Morales ang pera sa itatayo nitong negosyo.

Sa gitna ng pagtatalo ay umuwi sa bahay ng magulang si Sherlyn pero sinundan ito ni Morales.

Doon ay nagkapisikalan ang dalawa na nasaksihan ng mga suspek.

Kumuha ng itak ang mag-ama saka halinhinang tinaga ang biktima.

Tinangka pang awatin ng bayaw ng biktima ang mga suspek pero maging siya ay tinaga rin. Nagtamo ito ng mga sugat sa likod.

Makaraan ang pagpatay ay tumakas ang mga suspek kasama si Sherlyn.

Sasampahan ng reklamong murder ang mga suspek.