Kawatan ng cellphone nahuli cam: ‘Ay sorry, sorry’

IBINALIK saka humingi ng paumanhin ang kawatan nang makita na nakunan siya ng video makaraang mandukot ng cellphone sa shopping mall sa Cebu City.

Kahit naibalik ang cellphone ay ipinost pa rin ng isa sa mga biktima ang video ng krimen na naganap sa mall sa Brgy. Mabolo noong Huwebes ng hapon.

Ayon sa ulat, nagtungo sa mall ang mga biktimang sina Angeline at Alexa, kapwa turista, para maglaro sa arcade.

Habang naglalaro ay tumabi sa kanilang gilid ang suspek saka gumapang ang kamay sa bag ni Angeline bago kinuha ang cellphone. Ang hindi alam ng suspek, nakunan ni Alexa ang pangyayari habang bini-video nito ang laro nila ni Angeline.

Sinigawan ni Alexa ang kawatan na nang makita na nakatutok sa kanya ang cellphone ng babae ay ibinalik nito ang kinuha bago sinabi na, “Ay sorry, sorry.”

Agad namang ipinagbigay-alam ng mga biktima sa otoridad ang pangyayari Nagpatulong din ang dalawa sa mga guard sa kanilang paglabas sa takot na baka inaabangan sila ng suspek. Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek.