Jeep sumalpok sa pader; dalagita patay sa guho

PATAY ang dalagita habang sugatan ang dalawang kapamilya nang mabagsakan sila ng pader na nabangga ng pampasaherong jeepney sa Dasmariñas, Cavite nitong Miyerkules. 

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente sa parking lot ng isang supermarket sa Brgy. Burol 1 pasado alas-8 ng gabi. 

“Paakyat po itong jeep na may kargang saging na saba sa third level ng parking area. Bigla na lang po namatay ‘yung makina and then nawalan po ng brake at dumaosdos po siya pababa,” ani Lt. Col. Julius Balano, hepe ng Dasmariñas City Police Station. 

Pagsapit sa ibaba ay tumama ang likod ng jeep sa pader, na bumagsak sa ilang kabahayan.

Isa sa malalaking tipak ang bumagsak sa 12-anyos na si Grace Sureta. 

Bahagya ring nasugatan ang ina at bunsong kapatid ng biktima.

Ayon sa ina na si Maralyn, nagbabakasyon lamang sila ng kanyang mga anak sa isang kamag-anak sa Dasmariñas. Taga-Batangas ang mag-iina.

Pinaghahanap na ng pulisya ang driver ng jeep.

“Matapos ang insidente, kinausap ng driver ang security guard. Tapos dumating po ‘yung mga kamag-anakan ng biktima. Sa takot po niya, kasi nakuyog po siya, tumakas po ‘yung suspek. Yung suspek po biyahero po siya,” ani Balano. 

Nanawagan naman ang pamilya ng biktima sa driver na sumuko sa otoridad.

Nakatakdang iuwi sa Batangas ang labi ng biktima.