‘It’s Showtime’ searchee, biktima ng road rage

INIREKLAMO ni Oliver Moeller, ang abogadong searchee sa “It’s Showtime” segment na “EXpecially For You,” ang mag-amang jeepney driver na pinagbantaan siyang papatayin sa insidente ng road rage sa M.L. Quezon Highway sa Brgy. Mactan, Lapu-Lapu City, Cebu nitong Lunes, December 16, ayon sa pulisya.

Base sa reklamo ni Moeller, tinangkang mag-overtake ang jeep ng mag-amang suspek pero hindi niya ito pinadaan.

Kinumpronta ng abogado ang driver pero nagalit at sinigawan siya nito.

“Gustong mag-overtake ng driver ng kanang multicab pero pinigilan siya ni attorney, sinabing huwag nang mag-overtake dahil bumper-to-bumper pa rin naman ang trapiko. Pareho lang din, nagmamadali siya pero traffic pa rin. Mas lalo lang lalala ang trapiko kung magka-counterflow siya,” sabi sa Bisaya ni Lt. Col. Christian Torres, Lapu-Lapu City Police Office spokesman.

Hinarang ng anak ng driver ang sasakyan ni Moeller at pinagbantaan siyang papatayin habang nagwasiwas ng patalim at barbecue stick ang ama.

Hindi naman bumaba ng kotse ang abogado kaya sa inis ay hinampas ng nakababatang suspek ang hood, na nagkaroon ng pinsala.

Nang humupa ang tensyon ay nagtungo si Moeller sa presinto para magreklamo. Sumuko naman sa otoridad kinalaunan ang mag-ama.

Ayon kay Moeller, desisido siyang kasuhan ang mga suspek.