Cobra nag-hello sa inidoro

NERBIYOS ang inabot ng isang residente ng Tagum City, Davao del Norte nang bumungad sa kanya ang cobra na nakasungaw sa kanilang inodoro kamakailan.

Shinare ni Maven Clarabal sa Facebook ang video ng cobra sa loob ng toilet at ang reaksyon niya nang makita ito.

Aniya, pagbukas pa lang niya ng pinto ng CR ay nakita na niya ang ahas kaya tila humiwalay ang kaluluwa niya sa kanyang katawan sa sobrang takot.

Agad niyang tinawag ang mga kapamilya saka kinunan ng video ang ahas.

Dahil takot din na makagat ang mga kasama ay hinintay na lang nila ang responde ng otoridad.

Makaraan ang ilang sandali ay gumapang naman papasok ng tubo ng inidoro ang cobra kaya hindi na ito nahuli.

Dahil sa trauma na kanyang inabot ay sinabi ni Clarabal na hindi na muna siya papasok sa kanilang banyo.

“Tungod nimong cobraha ka sa arinola nako mag bawas atay ka…imbis sa cr ko makapahuway atay,” aniya.

Nag-aalala rin si Clarabal para sa kanyang mga anak at iba pang kapamilya kaya umaasa siya na mahuhuli ang ahas sa lalong madaling panahon.

Sa hiwalay na post, sinabi ni Clarabal na sa pag-asang mapatay ang cobra ay binuhusan niya ang inodoro ng isang litro ng muriatic acid, walong kaldero ng kumukulong tubig, isang litro ng hospital-grade toilet bowl cleaner, ilang piraso ng bawang, 100 chlorine tablets, at thickened bleach.

“Buhataon nako tanan oi makuha lang na kay for safety sa akong mga anak,” sabi niya.