Bata nahulog sa kumulong tubig, patay

NASAWI ang isang batang lalaki nang mahulog ito sa kaldero ng bagong-kulong tubig sa San Fabian, Pangasinan ilang araw na ang nakararaan.

Naitakbo pa sa pagamutan ang biktima, 2, subalit namatay ito dahil sa tinamong matinding paso sa katawan.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagpakulo ng tubig ang lola ng biktima, residente ng Brgy. Nibaliw, para ipangbanyos sa asawang may sakit.

Itinabi ng ginang ang kaldero sa gilid ng bahay bago pumasok sa loob para tingnan ang mister.

Nagulat na lang ito nang marinig ang sigaw ng apo sa labas.

Nang tingnan, halos himatayin ang lola nang makita ang apo sa loob ng kaldero.

“Ang akala namin nag-aaway lang sila [ng kalaro], pero iba na ‘yung iyak nung bata. Noong tiningnan namin, nandoon na po siya, naka-shoot sa kaldero,” ayon sa lola.

Dinala ang biktima sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City pero sumakabilang-buhay ito kinabukasan.