Bangka lumubog sa Masbate; 35 sakay nasagip

NAILIGTAS ang 35 pasahero ng bangka na lumubog sa karagatan sakop ng Aroroy, Masbate nitong Biyernes.

Ayon sa ulat, naglalayag mula sa Claveria, Masbate ang motorbanca patungo sa Masbate City nang hambalusin ito ng malalaking alon alas-7:30 ng umaga.

Sinabayan pa ito ng malakas na hangin at ulan kaya lumubog ang bangka.

Agad namang nakaresponde ang rescue team ng Aroroy at mga mangingisda kaya nasagip ang lahat ng pasahero at tripulante.

Nadala rin sa pampang ang bangka.

Napag-alaman na naglayag ang bangka sa kabila ng babala ukol sa bagyong Aghon.