Bagets dinugo sa date, nasawi

ISASAILIM sa autopsy ang katawan ng 16-anyos na babae mula sa Makilala, North Cotabato na namatay dahil sa matinding pagdurugo makaraang makipagkita sa kanyang 18-anyos na nobyo noong Martes.

Ayon sa pulisya, nangyari ang pagdurugo sa biktima matapos umano itong sumiping sa boyfriend.

“May nangyari sa kanila at nagkaroon ng bleeding so humantong sa pagkamatay ng dalaga. May consent naman sila,” ani Makilala Muncipal Police Station acting chief Lt. Col. John Miridel Calinga.

Gayunman, tinitingnan ng mga otoridad ang posibilidad ng pagpapalaglag na maaaring naging dahilan kaya nagkaroon ng matinding pagdurugo ang biktima.

Base sa ulat, nagpaalam ang dalaga sa kanyang ama na pupunta lang ng tindahan para kumunekta ng wi-fi.

Lingid sa kaalaman ng ama, nakipagkita ang bagets sa kasintahan at nagtungo sa isang bahay sa Brgy. Malasila.

Sa hindi idinetalyeng dahilan ng boyfriend ay bigla umanong hinimatay at dinugo ang biktima kaya isinugod niya ito sa ospital.

Sinabi ng ama na hindi na niya naabutang buhay ang anak. Pursigido naman siyang sampahan ng reklamo ang kasintahan ng anak.