Atat makakita ng abs, guro nangagat ng 2 estudyante

NANGANGANIB na mawalan ng trabaho at makulong ang lalaking guro na nangagat umano ng dalawang estudyanteng lalaki, kung saan isa sa kanila ay kanyang pinaghubad para makita ang abs nito.

Inihahanda na ang patong-patong na reklamo laban sa guro, na nagtuturo ng MAPEH sa Don Vicente Rama Memorial National High School (DVRMNHS) sa Cebu City, ayon sa ulat.

Sinabi ng ama ng isa sa mga biktima na inutusan umano ng guro ang kanyang anak na hubarin ang t-shirt para makita ang abs nito.

Nagbanta pa raw ang guro sa estudyante, 17, na kapag tumanggi ay may masamang mangyayari rito.

Pero kahit naghubad na ang bagets ay kinagat pa rin ng teacher ang likod nito.

Nagreklamo naman sa barangay ang magulang ng isa pang mag-aaral, 14, nang makita nila ang mga marka ng kagat sa braso nito.

Bitbit ng mga magulang ang medical certificate, larawan, at video ng bata na idinidiin ang suspek.

Samantala, natanggap na ng Department of Education (DepEd) Central Visayas ang ulat ukol sa pangyayari.

“I received the reports from the division this morning and I already forwarded them to the legal [office] for action. We will not tolerate such acts of a teacher. We will deal with it accordingly,” ani Dr. Salustiano Jimenez, DepEd 7 director.