Anak na transgender ininsulto, lalaki nanghalihaw ng tubo

TINUTUGIS na ng mga pulis ang lalaki na nanghampas ng tubo sa nang-insulto sa anak niyang transgender sa isang bar sa Lucena City nitong Sabado.

Hindi naman kinilala ng pulisya ang suspek na tumakas makaraan ang insidente.

Ginagamot na sa ospital ang biktima na nagtamo ng sugat sa ulo.

Ayon sa ulat, nagsumbong sa ama ang isang transwoman na nabastos siya ng lalaki sa banyo ng bar sa siyudad.

Armado ng tubo, sumugod ang ama sa bar at pinagpapalo sa ulo ang nang-insulto sa anak.

Nang duguang lumupasay ang biktima sa sahig, tumakas ang suspek kasama ang anak na trans.

Nahaharap sa kasong frustrated murder ang suspek.