BINARIL at napatay ang pangulo ng Abono party-list Sabado ng gabi sa bayan ng Umingan, Pangasinan.
Naisugod pa sa ospital si Ponciano Onia, Jr., 59, konsehal din ng bayan ng Umingan, ngunit binawian din ng buhay alas 8:40 ng gabi.
Inambus si Onia alas 7:45 habang sakay ng kanyang kotse sa barangay Lubong. Papauwi na siya sa kanyang bahay sa barangay San Leon nang tambangan ng hindi nakikilalang mga kalalakihan na sakay ng isang motosiklo.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang biktima.
Ang dalawa niyang mga tauhan na sakay din ng kanyang kotse ay mapalad na nakaligtas.