TODAS ang barangay chairman at apat na iba pa nang pagbabarilin ng apat na armado sa loob mismo ng barangay hall sa Daja Diot, San Isidro, Leyte nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat, pinasok ng mga suspek na nakasuot ng bonnet ang barangay hall saka niratrat ang mga biktima.
Dead on the spot ang barangay chairman na si Elizalde Tabon, kagawad na si Paulo Al Mindero, at tanod na si Rusty Salazar.
Namatay naman habang ginagamot sa ospital ang dalawa pang hindi nakilalang biktima. Napag-alaman na abala sa paggawa ng listahan ng mga makatatanggap ng educational assistance sina Tabon at Mindero nang huminto sa harap ng barangay hall ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Agad pumasok sa gusali ang apat at pinutukan ang mga biktima bago tumakas. Ito na ang ikaapat na insidente sa serye ng mga pagpatay sa mga opisyal ng barangay sa probinsya sa loob lamang ng isang linggo.
Noong Biyernes, itinumba si kagawad Tete Cajes sa Barangay Tag-abaca. Noong Pebrero 21, binaril at napatay rin si Rolando Palacio, kagawad ng Barangay Sta. Rosa sa Barangay Tugas.
Nasawi naman si Patricio Laude, chairman ng Barangay Catmon sa Ormoc, nang tambangan malapit sa bahay ni kagawad Christopher Masimong, na nasugatan din, noong Pebrero 16.