5-anyos nilunod ng kapatid

NILUNOD ang limang-taong-gulang na bata ng kanyang half-brother habang naliligo sila sa dagat sa Lapu-Lapu City, Cebu nitong Biyernes.

Ayon sa pulisya, bago nilunod ay hinampas muna ng suspek, 14, ng bato ang ulo ng biktima.

Nasaksihan naman ng pitong-anyos nilang kapatid ang pangyayari alas-9 ng umaga sa Sitio Lawis, Brgy. Suba-Basbas.

Iisa ang ina ng biktima at suspek pero magkaiba ang ama.

Sinabi ni Police Lt. Col. Christian Torres, tagapagsalita ng Lapu-Lapu City Police Office, ibinunton ng suspek sa biktima ang galit nito sa ama ng huli dahil madalas siyang palayasin nito.

Ayon kay Torres, hindi agad naiulat sa pulisya ang pangyayari dahil hindi alam ng ina ang nangyari sa bunsong anak.

Dumulog lang ang ginang sa otoridad nang ikuwento ng isa pang anak ang nangyari.

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek.