3 gold hunter tepok sa lungga

NASAWI dahil sa suffocation ang tatlo katao habang naghahanap ng ginto sa hinukay nilang butas sa Balingasag, Misamis Oriental nitong Lunes.

Kabilang sa mga nasawi ang dalawang lalaki, may edad 38 at 48, at ang 15- anyos na anak ng isa sa kanila.

Nakaligtas naman ang kanilang kasamang menor de edad na nagpapagaling na ngayon sa ospital.

Base sa pagsisiyasat ng pulisya, sumabog ang makina ng ginagamit nilang water pump kaya napuno ng usok ang hukay at na-suffocate ang mga biktima.

Nahirapang sagipin ang mga biktima dahil makipot at may lalim na 25 talampakan ang lungga.

Ayon sa isang rescuer, buhay pa ang mga biktima at humihingi ng tulong nang kanilang respondehan.

Klinaro naman ni Mayor Alexis Quina na ilegal ang operasyon ng pagmimina ng grupo kaya isasailalim sa imbestigasyon ang mga opisyal ng barangay na umano’y pinayagan ito. Sa kabila nito, nangako ang alkalde na pagkakalooban ng tulong ang pamilya ng mga biktima.