HINDI umano siya dapat madaliin sa kung ano-ano ang kanyang mga gagawin o ipanunukalang batas sakaling siya ay manalo bilang senador sa darating na 2025 midterm elections.
Ito ang sinabi ng independent senatorial bet at TV host na si Willie Revillame nang sumalang ito sa isang interview sa One News.
“Wala pa (akong mga panukala) hindi pa kasi ako nanalo,” sagot ni Revillame nang tanungin kung ano ba ang kanyang mga plataporma.
“Pag nanalo na ako doon ko na lang iisipin yun. Wag n’yo muna akong tanungin tungkol diyan, hindi pa ako nananalo. Hindi pa nga ako senador. ‘Wag n’yo naman ako madaliin, kaka-file ko lang,” dagdag pa ng host ng WilToWin na umeere araw-araw sa TV5.
Isa si Revillame sa huling mga indibidwal na nagsumite ng kanyang certificate of candidacy sa huling araw ng filing noong Okt. 8.