HUMIRIT ng reelection ang mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte na sina Senador Bong Go at Ronald “Bato” dela Rosa matapos maghain ng kanilang certificate of candidacy ngayong Huwebes.
Kasama nilang nag-file ng COC sa ikatlong araw ng filing period sa Manila Hotel Tent City ay ang aktor na si Philip Salvador.
Ayon kay Salvador, sakaling palarin siya sa halalan, isusulong niya anya ang pagdadagdag ng pondo para i-modernize ang Philippine National Police at Armed Forces.
Susuportahan din niya anya ang mga panukalang magbibigay ng epektibong rehabilitasyon sa mga illegal drug users.
“Hulihin sila para mabigyan sila ng pag-asa. Sa akin kasi ayoko ng hinuli ko pinatay ko, ayoko ng ganoon— gusto ko mabigyan sila ng pag-asa,” ayon kay Salvador.
Naniniwala naman si Dela Rosa na tatanggapin pa rin siya ng publiko sa darating na halalan lalo pa’t itutuloy niya anya ang kanyang laban kontra sa ilegal na droga at pagsuporta upang mas higit pang madepensahan ng bansa ang teritoryo nito sa pagsusulong ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).
Itutuloy rin niya anya ang pagsusulong ng death penalty para sa mga high-level drug traffickers.
Sinabi naman ni Go na sesentro pa rin anya ang kanyang mga prayoridad sa pagsusulong ng kalusugan, sports at youth empowerment sakaling makasungkit muli ng fresh mandate.