NANINIWALA si Vice President Sara Duterte na nasa listahan din siya ng International Criminal Court (ICC) na posibleng arestuhin, ayon sa ulat ng Cebu Daily News (CDN).
“Nasa listahan ako. Marami. Marami kami na nasa listahan ng ICC,” sabi ni Duterte sa isang chance interview sa Carcar City, Cebu.
Ito anya ay bunsod sa mga ginawa niyang pagbisita sa amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay nakadetine sa The Hague.
Anya, naka-record ang ginawa nilang pag-uusap ng kanyang tatay.
“Dahil ang akala nila [ICC], ang pinaguusapan namin ay kung ano ang kaso at ano ang ginagawa natin sa kaso dito sa Pilipinas at mga strategy ng kaso,” ayon sa pangalawang pangulo.
Gayunman, bago pa man umano siya maaresto, naniniwala siyang mauunang arestuhin ang mga kaalyado at apointtee ng kanyang ama gaya nina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, dating PNP chief Oscar Albayalde, at police generals Vicente Danao at Romeo Caramat Jr., at Senador Christopher “Bong” Go.
“Mauuna muna sila, bago ako,” anya.
Kasalukuyang nakakulong sa ICC ang nakatatandang Duterte dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay sa madugong war on drugs na ipinatupad ng kanyang administrasyon na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 6,000 katao base sa official records.
Gayunman, naniniwala ang mga human rights groups na posibleng pumalo sa mahigit sa 20,000 katao ang napatay sa nasabing drug war.