ILANG vloggers ang nadismaya sa inihandang pagkain sa kanila sa meet and greet kay Pangulong Bongbong Marcos sa Malacanang nitong Sabado.
Ayon sa ulat, ensaymada at juice lang umano ang inihanda sa mga vloggers gayong magtatanghalian na nang ganapin ang event.
Ani Maharlika, isang US-based Pinoy YouTuber, na-discriminate ang mga vloggers dahil mas espesyal ang inihandang pagkain sa mga miyembro ng mainstream media sa ginanap na pa-dinner ng Palasyo sa nasabi ring araw.
“Ensaymada ang lunch ng Marcos Loyalists/Vloggers sa Meet & Greet ni PBBM. Samantalang ang Malacañang Press Corps pang 5 star hotel at may music performance pa. SEE THE DIFFERENCE? Ang tawag diyan DISCRIMINATION,” sabi niya sa Facebook post.
Ibinahagi rin ni Maharlika ang post ng isa sa mga vloggers na dumalo sa meet and greet na nagrereklamo sa pagtrato sa kanila dahil “umasa kami na may kanin at ulam” pero “parang busabos treatment nila sa amin.”
Idinagdag niya na may ilang senior citizen na um-attend ng pagtitipon na binigyan lang ng t-shirt matapos ang event habang gadgets umano ang ipinamigay sa party ng mga mainstream media.
Sinegundahan ito ng isang pro-Duterte Tiktoker na si Pebbles Cunanan na mabuti raw ay hindi siya dumalo sa pagtitipon kahit naimbitahan siya.
“They called for a meet and greet. Ang pagkakaintindi ko kasi sa meet and greet is a party, pero may eksena inutusan sila na ipaintindi daw sa mga tao ang Maharlika Fund, ano’ng meet and greet yan?” himutok niya sa Facebook.
“Tapos ensaymada lang pagkain sa loob ng Malacañang makikinabang na rin lang naman kayo sa mga vloggers/bloggers di niyo pa hinandaan ng buffet like doon sa mga designers na DILAW na wala namang gawa. Hay naku, buti na lang hindi ako umattend baka nalait ko pa yang ensaymada, I don’t eat ensaymada at lunch juicemio,” dagdag niya.
Hirit pa ni Cunanan: “Hindi naman nag-eexpect ng fabulous na pagkain pero para pakainin mo ng tinapay lang yung mga taong galing pa sa malayo at hindi naman ahon sa buhay…aaay teka. Wag ganun mga bhe, Christmas season ngayon maramdaman man lang ng mga supporters yung Pasko.”