Vlogger tinanggihan P100K kada post kay Pacquiao

TINANGGIHAN ng isang vlogger ang umano’y alok ng kampo ni Sen. Manny Pacquiao na P100,000 sa tuwing magpo-post siya ng press release ng boxing champion na tatakbo bilang pangulo sa 2022 elections.

Ayon kay Xian Gaza, nakakainsulto ang alok na “barya” sa kanya ng kampo ng senador.

“May lumapit sa akin na partido ng isang presidentiable candidate. One post per week, 100k per post,” ani Xian.

“My exact reply, ‘First of all, ang personal choice ko ay si Leni (Robredo). Pangalawa, yung 100k ay kinikita ko ng half-day ngayon. Do I look poor? So barya. Nakakainsulto!” dagdag niya.

Bilang patunay na hindi niya kailangan ng “barya” mula sa Pambansang Kamao, ipinost niya ang kanyang personal balance sheet kung saan mayroon umano siyang kabuuan na assets na kalahating bilyong piso.

Ipinagdiinan din ni Gaza na hindi vlogging ang ikinabubuhay niya dahil isa siyang negosyante na mayroong daan-daang milyon na net worth.

Samantala, isinumbong naman niya kay Pacquiao ang nagrerekrut ng mga social media influencers para mangampanya rito.

“Yung isa niyo pong campaign recruiter for influencers ay nag-offer po ng 100K per post. Naniniwala po ako na hindi lang 100K ang budget na ibinigay niyo sa kanya at paniguradong sobrang laki ng cut niya,” ani Gaza.

Matatandaan na inaya ni Gaza sa isang date ang aktres na si Erich Gonzales gamit ang higanteng billboard noong 2017.

Noong sumunod na taon ay sumuko siya sa Malabon police makaraang maglabas ang korte ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay sa kasong isinampa ng kanyang dalawang business partners.

Habang nasa kulungan ay humingi siya ng tulong para makapagpiyansa.

“Friends and supporters… I need about P160,000 right now. I hope you could help me. Gusto ko makalabas. I want to start a new life. Nagkamali ako, I became a scammer, I became a fraud,” aniya sa isang video.