Trillanes: Botante nabudol ni Digong

NANINIWALA si dating Sen. Antonio Trillanes IV na natuto na ng leksyon ang publiko sa halos anim na taong panunungkulan ni Pangulong Duterte.


Ani Trillanes, na sinabi kahapon na nais niyang tumakbo sa pagkapangulo para sa oposisyon sakaling walang plano si Vice President Leni Robredo, hindi na mabobola ng mga kagaya ni Duterte ang mga botante.


“Ang io-offer natin ay pagbabago. Siguro, makakapagsuri na nang maayos ang mga kababayan natin at hindi sila madadaan sa pambobola gaya ng ginawa ni Duterte, na parang nabudol-budol ang mga botante,” sabi ni Trillanes.


Matatandaan na sinabi ni Trillanes na lalahok siya sa selection process ng 1Sambayan Coalition pero handa siyang umatras sakaling tumakbo Robredo sa pampanguluhang eleksyon sa 2022.


“Ang ating desisyon ay nakasalalay kay Vice President Leni. Kung tatakbo siya, tayo ay maggi-give way para united,” ani Trillanes sa isang panayam.


Dagdag niya walang planong tumakbo si retired Senior Associate Justice Antonio Carpio, ang chairman ng 1Sambayan.